Nagpupuyos pa rin sa galit ang isang 45-anyos na ginang nang ilahad niya kung papaano niya nahuli sa akto ang pangangaliwa umano ng kaniyang 51-anyos na mister at kaniya pa mismong kumare sa Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, napapamura pa ang ginang na itinago sa pangalang "Amelia," residente ng Barangay Bolosan, San Carlos City.

Ayon kay Amelia, matagal na siyang naghihinala na may relasyon ang kaniyang mister at kumare kaya sinundan niya ang asawa nang minsan maghatid ito ng mais.

Nang makitang pumasok sa Inn ang mister, hindi raw pinayagan si Amelia napumasok kaya tatlong oras siyang naghintay sa labas.

Sa amateur video at larawan, makikita ang umano'y mister at ang kumare na lumabas mula sa isang kuwarto.

"Magbabayad ka!," galit na sambit ng ginang nang makapanayam. "Mga baboy kayo!"

Malaki na na raw ang ebidensiyang hawak niya para sampahan ng kaso ang dalawa.

Taong 2010 nang ikasal ang mag-asawa at naging maayos naman daw ang kanilang pagsasama.

Sinubukan na kunin ang panig ng mister pero wala siya nang puntahan ang kaniyang bahay.

Wala ring pahayag ang babaeng sinasabing karelasyon ni mister.

Ayon kay Police Major Arturo Melchor Jr., public information officer ng Pangasinan Provincial Police Office, puwedeng makasuhan ng adultery at concubinage ang nagtaksil na kabiyak depende sa kung sino ang nakahuli--kung babaeng asawa o lalaking asawa. --FRJ, GMA News