Nahuli-cam ang panununtok ng dalawang magkapatid na menor de edad sa isang lalaki sa San Vicente, Ilocos Sur. Ang biktima, inoperahan dahil sa pagdurugo ng ulo.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional Tv "Balitang Amianan" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa public market ng San Vicente, na naglalakad ang biktimang si Jason Pilot, 21-anyos.

Hindi nagtagal, mula sa likod niya ay bigla siyang sinuntok sa batok ng isang lalaki.

Tumumba si Pilot sa semento na halos wala nang malay. Pero kahit nakatumba na, isang lalaki pa ang dumating at pinagsusuntok uli ang biktima.

Kaagad na umalis ang dalawang lalaki na nanuntok na napag-alaman na magkapatid at parehong menor de edad.

Naiwan na walang malay ang biktima habang nagdatingan na ang mga tao.

Ayon sa pinsan ng biktima, bibili lang sila ng tinapay nang mangyari ang insidente.

Isinugod sa ospital ang biktima at kinailangang operahan ang ulo dahil sa pagdurugo.

Sinabi ng pulisya na nagkausap na ang magkabilang panig sa harap ng Municipal Social Welfare Development.

Hindi na rin umano maghahain ng reklamo ang ina ng biktima.

Samantala, ibinigay sa pangangalaga ng MSWD ang magkapatid na suspek.

Wala pang pahayag ang mga magulang ng mga suspek sa kinasangkutang insidente ng kanilang mga anak, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News