Hindi na naging hirap pa ang paghuli ng mga mangingisda sa Tibiao, Antique, matapos na magsitalunan ang sangkaterbang tamban sa kanilang bangka at balsa.

Sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente nang pumalaot ang mga mangingisda.

Agad na napuno ng mga isda ang kanilang mga bangka.

Laking tuwa pa ng mga mangingisda na nakahuli rin sila ng mga matambaka, barracuda at tanigue.

Dahil Amihan season, dumami ang plankton na kinakain ng mga maliliit na isda tulad ng tamban kaya dumadagsa sila sa lugar, ayon sa isang fisheries technologist. — Jamil Santos/VBL, GMA News