Apat katao ang nasawi at nasa 15 iba pa ang nasugatan nang bumigay ang isang tulay sa Loay, Bohol. Ilang sasakyan ang dumadaan sa tulay nang mangyari ang trahediya at nahulog sa Loboc River.

Ayon sa mga awtoridad, napinsala ng lindol noong 2013 ang bumigay na lumang Clarin Bridge sa Loboc River.

Pero ipinapagamit pa rin ito habang tinatapos ang bagong tulay na ginagawa sa tabi nito.

Ayon sa ulat sa State of the Nation, nangyari ang pagbagsak ng tulay pasado 4:00 p.m.

Kabilang sa mga nasawi ang isang dayuhang turista.

Kaagad na nagsagawa ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ng search and rescue operations sa mga sakay ng sasakyan na nahulog sa ilog habang nasa tulay na bumagsak.

Sa Facebook live, sinabi ni Bohol Governor Art Yap na pinaniniwalaang bumigay ang tulay dahil naipon sa ibabaw nito ang mga sasakyan.

“According to Engineer Magiting Cruz of the DPWH, the possible cause why the bridge collapse was because the bridge is only for flowing traffic. There were a lot of cargo vehicles on the bridge, and the bridge could not take the weight. That’s the reason why they collapsed,” ayon sa gobernador. —FRJ, GMA News