Malungkot ang naging wakas sa paghahanap sa 13-anyos na babae na mahigit isang linggo nang hinahanap matapos siyang biglang mawala sa kanilang bahay sa Madella, Quirino. Ang biktima, nakitang patay sa gilid ng sapa.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing naagnas na nang makita ang bangkay ng biktimang si Glaiza Saguiped, isang estudyante.
Pinaniniwalan ng mga kamag-anak na may kumuha sa biktima mula sa kanilang bahay sa Barangay Dipintin noong Abril 14.
Kuwento ng mga kaanak, gabi noong Abril 14 nang umuwi sa kanilang bahay si Saguiped matapos makipagkwentuhan sa mga pinsan.
Mag-isa lang daw sa bahay noon ang biktima dahil nakiburol ang kaniyang ama sa isa nilang kaanak.
Pero kinaumagahan, wala na sa bahay ang biktima at mula noon ay hinanap na siya ng mga awtoridad at mga kamag-anak.
Hanggang matagpuan na naagnas niyang bangkay sa isang sapa sa kanilang barangay.
Hinihinala ng mga kaanak ng biktima na ginahasa muna ang dalagita bago patayin at itapon sa sapa.
Hindi muna nagbigay ng pahayag ang pulisya habang patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon.--FRJ, GMA News