Nahuli-cam ang ginawang pagbaril ng salarin sa isang 40-anyos na lalaki na naglalakad sa gilid ng kalsada sa Candelaria, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Enrique Montilla.

Sa kuha ng CCTV camera sa isang kalye sa Barangay Poblacion, makikita ang biktima na naglalakad sa gilid ng daan.

Nakasunod naman sa kaniya ang salarin na may binunot na baril at malapitang pinaputukan ang biktima kahit pa maraming tricycle ang dumadaan.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng isang tama ng bala sa batok at isa pa sa likod ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Agad na tumakas ang salarin nang bumulagta sa kalye ang biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing daw sa bahay ang biktima at papunta sa isang salon para sana magpalinis ng kuko at magpamasahe.

Anggulong love triangle at sugal na sabong ang tinitingnan motibo ng pulisya sa krimen.--FRJ, GMA News