Isang lalaki ang pumasok sa isang burger store sa Baguio City at tinutukan ng baril ang tindera. Pero napansin ng tindera na hindi totoong baril ang hawak ng lalaki.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, makikita sa CCTV ng tindahan sa Lower Ferguson Road sa Barangay Guisad Central, ang pagdating ng salarin na nakasulot ng helmet.

Hinubad niya ang helmet at umorder ng burger. Hindi nagtagal, pumasok ang lalaki sa tindahan, tinutukan ng baril ang tindera at nagdeklara ng holdap.

Napansin ng tindera na laruan lang ang baril kaya tinangka niya palabasin ang suspek. Gayunman, nakuha ng suspek ang pera sa kaha na aabot umano ng P5,000 bago tumakas.

Pero hinabol pa rin ng tindera ang kawatan hanggang sa mabawi niya ang pera.

"Tumakbo siya palabas tapos hawak ko yung toy gun nu'n. Tapos naisip ko na habulin siya, hinampas ko yung baril sa likod niya. Medyo nasaktan siya. Kinalmot ko yung kamay na hawak niya yung pera kaya nabitawan niya 'yung pera," kuwento ng tindera.

Ayon sa pulisya, patuloy ang imbestigasyon nila para matukoy ang pagkakakilanlan ng kawatan na tumakas sakay ng motorsiklo. --FRJ, GMA News