Sugatan ang driver at ang pahinante ng isang delivery van matapos itong salpukin ng pampasaherong bus na nawala sa tamang linya ng highway dahil mayroon umanong iniwasang motorsiklo sa Pagbilao, Quezon.

Batay sa ulat mula sa Pagbilao Municipal Police Station, nangyari ang insidente sa Maharlika Highway sa Barangay Talipan dakong 2:55 pm ngayong Lunes.

Galing umano sa Maynila at patungo sa direksyon ng Bicol ang bus habang patungo naman sa Maynila ang delivery van.

Nasa tamang linya ang delivery van nang salubungin ito at salpukin ng bus. May iniwasan umanong motorsiklo ang driver ng bus kaya nalihis ito ng takbo at nabangga ang van.

Sa tindi ng salpukan, umangat ang delivery van at napunta sa gilid ng highway.

Nawasak din ang unahang bahagi ng van, maging ang bus.

Dinala sa pagamutan ang driver at pahinante ng delivery van, habang wala namang nasaktan sa mga pasahero ng bus.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.--Peewee Baculo/FRJ, GMA Integrated News