Nahuli-cam ang away at batuhan ng panindang mga bangus ng ilang babae sa isang palengke sa Tarlac City.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA News TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, ipinakita ang video na ini-upload ni Elmer Apostol sa social media.

Sa video, makikita ang isang babae na nasa loob ng puwesto at nasa harapan ng mga paninda niyang bangus.

Nasa labas naman ang dalawang babae na kaniyang nakaalitan at nakabatuhan niya ng mga bangus.

Ayon kay Apostol, nangyari ang insidente sa katabi niyang puwesto sa palengke.

Magkamag-anak umano ang mga babae na nagkapikunan kaya humantong sa batuhan ng bangus.

"Medyo malakas nang kaunti, nagsasagutan. Noong lumalakas na yung sigawan nila, ang nasa isip ko siguradong magbabatuhan ng bangus ito kasi nabanggit ang isa, nagsigawan sila, 'batuhin kita ng bangus dito,'" kuwento ni Apostol.

"Inihanda ko na yung video hanggang sa nagbatuhan na, kinuhan ko na. Mainitin yung mga ulo nila," patuloy niya.

Umani ng maraming view at komento ang naturang post. May mga nagbiro pa nagmistulang bangus festival ang nangyari. -- FRJ, GMA Integrated News