Arestado sa Isabela ang isang lalaking wanted sa panggagahasa sa dalawang menor de edad na anak ng kaniyang kinakasama.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras,” nagtangka pang tumakas ang suspek pero matapos magtulong-tulong ang tatlong pulis ay hindi na ito nakapalag.

Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto ng mga miyembro Criminal Investigation and Detection Group- Detection and Special Operations Unit (CIDG-DSOU) at Ramon Isabela Police ang suspek sa kasong two counts ng rape at child abuse.

“Dalawang anak sa pagka dalaga ng kanyang kinakasama sa Cavite, aged 12 and 14. Nung na-rape niya ito, tumakbo siya ng Isabela,” saad ni CIDG-DSOU chief Police Colonel Olivia Sagaysay.

Nagmamakaawang nanawagan sa kanyang asawa ang suspek nang maka-panayam ng GMA Integrated News Team.

“Lasing lang ako sir eh. Ma, pati sa mga anak ko, sana mapatawad niyo ako. Lahat ng pagkakamali ko, sana mag umpisa tayo at mapagaral na natin ang mga anak natin ma,” ani ng suspek.—Sherylin Untalan/LDF, GMA Integrated News