Wala nang dapat pang ipag-alala ang pet owners sa General Santos City at mga kalapit na lugar kung sila ay magbabakasyon, matapos maitayo ang isang Pet Hotel kung saan maaaring mag-check in ang kanilang fur babies.

Sa ulat ni Pia Arangel sa Saksi, sinabing maaaring umabot ng ilang buwan ang pag-check in ng kanilang fur babies sa Pet Hotel.

Ayon sa may-ari ng Pet Hotel na si Bong Samulde, may isang kliyente na inilagay ang kanilang mga alaga ng isang buwan dahil nire-renovate ang kanilang bahay at wala silang mapaglagyan.

Meron ding per hour rate ang Pet Hotel para sa pet owners na maggo-grocery lang at gustong magpaiwan ng kanilang fur babies.

Nasa P300 hanggang P600 ang rate kada araw, depende sa laki ng mga alaga.

May mga ginagawa ring pag-iingat ang Pet Hotel sa mga iniiwan sa kanila na alagang hayop, tulad ng pagsuri kung may tick at fleas, skin problem o kondisyon, bukod sa paghingi ng health card bago ang kanilang check-in. —LBG, GMA Integrated News