Kahit gipit dahil nasa ospital ang anak, hindi nagdalawang-isip ang isang pedicab driver sa Mangaldan, Pangasinan na dalhin sa awtoridad ang naiwang pitaka ng kaniyang pasahero na may lamang pera at cellphone.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing hinangaan sa kaniyang katapatan ang 29-anyos na si Rolando Casipit Jr.

Ayon kay Casipit, pauwi na siya nang mapansin niya na may naiwang gamit sa kaniyang pedicab.

Hindi raw nag-alinlangan si Casipit na i-turnover sa awtoridad ang pitaka na may laman na ID, cellphone at pera, na napag-alaman na OFW ang may-ari.

Kahit gipit dahil nasa ospital ang isang anak dahil sa impeksyon sa dugo, hindi raw pumasok sa isip niya na pinag-interesan ang bagay na hindi sa kaniya.

"Gipit na gipit ako wala akong ibang mapag-uutangan, wala akong malalapitan," saad niya. "[Pero] Di naman akin 'yon, kailangan kong ibalik yon. Kahit kailangan ko rin, ayaw kong gumawa ng mali."

Gayunman, nanawagan ng tulong si Casipit sa mga may mabuting kalooban na nais tumulong sa kaniya para sa pagpapagamot ng anak.--FRJ, GMA Integrated News