Sa pamamagitan ng maliit na aparato na tila camera, kaya umano nitong ma-detect ang breast cancer nang mabilis at mas mura.

Sa programang "Pinoy MD," sinabing sa kabila ng datos ng World Health Organization noong 2020 na 31% ng mga Pinay ang nagkaroon ng breast cancer sa Pilipinas, marami pa rin daw ang hindi nagpapakonsulta dahil sa pangamba sa mahal na gastusin sa pagpapatingin.

“Matagal nang merong tinatawag nilang ‘breast cancer pandemic.’ Nakakaawa ang mga taong namamatay sa disease na almost 99.9% curable. Hindi kayo dapat mamatay sa breast cancer,” saad ni Dr. Norman San Agustin, surgical oncologist ng Asian Breast Cancer.

Kaya naman daw agapan ang breast cancer kung maagang matutuklasan kaya dapat magpatingin sa duktor ang babae.

Isa sa mga bagong teknolohiya umano para masuri ang breast cancer ay sa pamamagitan ng Thermalytix.

Paliwanag ni San Agustin, ang Thermalytix ay gumagamit ng init at walang radiation para masuri kung may breast cancer ang isang babae. Kaya naman “no touch” na kung ipasusuri ng isang pasyente ang kaniyang dibdib.

Bukod dito, mura rin ang Thermalytix ng 75% kumpara sa isang mammogram.

Ang Thermalytix ay isang computer-aided diagnostic engine na gumagamit ng artificial intelligence, na may high-resolution thermal sensing device para matukoy ang cancer cells sa pamamagitan ng pagbasa ng init ng katawan.

“Ang breast cancer o any cells that multiply very, very rapidly like red blood cells ay nagge-generate ng heat po ‘yun. Itong Thermalytix is capable of determining ‘yung minor, minor differences and changes,” ayon kay San Agustin.

Tunghayan sa “Pinoy MD” kung papaano ginagamit ang Thermalytix, at alamin ang iba’t ibang kuwento ng mga kababaihan na may pangamba sa pagkakaroon ng breast cancer. --FRJ, GMA Integrated News