Nakulimbat ng scammer ang donasyong pera na nasa e-wallet account ng isang guro na ibibigay sana sa batang babae na kritikal ang kalagayan sa ospital matapos na lapain ng apat na aso sa Calbiga, Samar.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, isang lalaking guro sa Barangay Timbangan ang naglunsad ng donation drive para matulungan ang dalawang taong gulang na bata na nilapa ng aso.

Kritikal ang kalagayan ng biktima sa ospital dahil sa tindi ng mga sugat na tinamo sa mukha at iba pang parte ng katawan.

Batay sa impormasyon na ibinigay ng guro sa pulisya ng Calbiga, halos P60,000 na umano ang laman ng e-wallet ng guro nang may tumawag sa kaniya noong Marso 11, na nagpakilalang tauhan ng isang ahensiya ng pamahalaan na kilala na hinihingan ng mga nangangailangan ng tulong.

Ayon sa tumawag, magpapadala umano ito ng pinansiyal na tulong at hiningi ang "code" sa kaniyang e-wallet. Sa pag-aakala na totoong tutulong ang kausap, ibinigay ng guro ang hinihingi ng tumawag.

Pero nang tingnan umano ng guro ang pondo sa e-wallet, naubos na ang laman nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente upang malaman kung saan napunta ang donasyon.-- FRJ, GMA Integrated News