Patay ang isang 22-anyos na babae matapos siyang saksakin sa leeg malapit sa police station ng Davao City. Ang hinihinalang ugat ng krimen, away sa online selling.
Sa ulat ni Jandi Esteban ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sandaling iniwan ng mister ang kaniyang asawang biktima dakong 7:00 pm sa Quimpo Boulevard, malapit sa police station para bumili ng gamot dahil sumasakit ang tiyan nito.
Habang nag-iisa ang biktima, dumating ang mga salarin na sakay ng motorsiklo at sinaksak ng dalawang beses sa leeg ang babae bago mabilis na tumakas.
Hinala ng mister ng biktima, away sa online selling ang ugat ng krimen.
“Online selling lang iyon maam, mayroon siyang nakalaban," ayon sa mister.
Inalis naman ng pulisya ang anggulong pagnanakaw na motibo sa krimen dahil walang kinuhang gamit mula sa biktima.
Susuriin din ng mga awtoridad ang mga CCTV footage sa lugar para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
"Tingnan mo malapit pa ang station natin, harap ng famous fast food chain, maraming establishment, daanan bigla na lang may sasaksakin sa gilid, talagang malakas ng loob ng tumira," ayon kay Police Colonel Richard Bad-ang, Director, Davao City Police Office.-- FRJ, GMA Integrated News