Isang 22-anyos na lalaki ang nasawi sa pananaksak, at tatlong iba pa ang sugatan matapos magkainitan ang dalawang grupo ng kalalakihan sa Talisay, Camarines Norte.

Sa ulat ni Cris Nobelo sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes Santos habang nagsasagawa ng prusisyon sa Barangay Poblacion.

Ayon sa pulisya, kadaraan lang ng prusisyon nang mangyari ang kaguluhan sa dalawang grupo na nauwi sa pananaksak na ikinasawi ng isa, at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Lumilitaw na napag-tripan ng mga suspek ang mga biktima na nauwi sa komosyon at humantong sa pananaksak.

Sinabi ng ama ng nasawing biktima na manonood lang ng nagpepenitensiya ang kaniyang anak kasama ang mga pinsan nang mangyari ang insidente.

Nais niyang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng kaniyang anak.

Ayon naman sa isang saksi, tinangka niyang awatin ang magkabilang grupo pero may sumuntok at sumipa rin sa kaniya.

Handa umano siyang tumulong sa imbestigasyon para matukoy ang mga salarin.

Isa sa mga suspek ang sumuko na, habang pinaghahanap ang dalawang iba pa.--FRJ, GMA Integrated News