Nasawi ang isang 19-anyos na estudyante matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang nakaparadang truck sa gilid ng daan sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi sa Maharlika Highway sa Baragay Busilac.

Ayon sa pulisya, madilim sa lugar at posibleng mabilis ang takbo ng biktima kaya hindi niya napansin ang nakaparadang truck sa gilid ng daan.

Galing umano ang biktima sa kaklase at pabalik na town proper nang mangyari ang insidente.

Naiuwi na sa kaniyang pamilya sa Cagayan ang mga labi ng biktima.

Posibleng namang maharap sa kaso ang 28-anyos na driver ng truck dahil sa kapabayaan umano sa pagpaparada ng truck sa gilid ng highway.-- FRJ, GMA Integrated News