Nasapul sa CCTV ang basag-kotse modus ng isang riding-in-tandem sa isang parking lot sa Santa Rosa, Laguna. Nadakip ang isa sa kanila, na isang criminology student.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang mga salarin sa tabi ng isang kotse.

Ilang saglit pa, inilawan at sinilip ng naka-helmet na angkas ang loob ng sasakyan. May inabot din ang lalaki sa rider.

Saglit na umalis ang dalawang salarin. Pagkabalik, dito na binasag ng lalaking angkas ang salamin ng kotse, tinangay ang isang bag sa loob, bago mabilis na tumakas.

Nadakip ang isa sa mga salarin sa isinagawang follow-up operation, na natuklasang isang second year criminology student.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek.

Naisoli na sa may-ari ang mga nakaw na gamit, habang kasalukuyang tinutugis ang isa pang suspek, at iba pang miyembro ng kanilang grupo.

Napag-alaman ng mga awtoridad na may iba pang nabiktima ang grupo sa iba’t ibang lugar sa Calabarzon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News