Nabahala ang mga nakasaksi nang biglang sunggaban at sakalin ng isang lalaki ang katabi niyang babae na pasahero sa isang jeep sa Davao City.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang video uploader na si Diocelyn Jabillo, habang mabilis ang takbo ng jeep at nasa loob ang 19-anyos na biktima at ang suspek.

Binilisan umano ng driver ng jeep ang arangkada at saka tumigil sa isang police outpost.

Kaagad namang umakyat ang ilang lalaki sa jeep para sagipin ang babae na papunta umano sa trabaho nang mangyari ang insidente.

Nagawa namang makawala ang babae at tuluyang nakalabas ng jeep. Habang ang suspek, nagpumiglas pa hanggang sa mahatak na siya ng mga lalaki palabas ng sasakyan.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na lumabas sa medical examination na may mental health problem.

Namatayan umano ng asawa ang suspek at nawalan ng trabaho. -- FRJ, GMA Integrated News