Dahil mga babasagin ang bote at jars, ibayong pag-iingat ang kailangan sa paghawak sa naturang negosyo na sinimulan sa puhunang P10,000 lang. Ngayon, level-up ang mga pamamaraan sa paghandle nito, na nagdala sa kanila ng nasa six o seven digits na kita kada buwan.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang negosyo ng doctor-entrepreneur na si Izen Lao.
“Kung net profit ang pag-uusapan, nasa mga six to seven digits. Seven digits on a good month,” sabi ni Izen, na may tatlong kasosyo.
Mula pa sa China o India ang kanilang glass bottles at jars.
“‘Pag nag-start kayong mag-import or mag-start kayong magdala talaga ng maraming items, you have to accept the risks involved with it. Maraming mga unforeseen circumstances na never mo naaral sa school, never mo naisip na puwedeng mangyari sa'yo,” sabi ni Izen.
Matapos makahanap ng supplier abroad, personal nilang binisita ang pagawaan para matiyak ang kalidad ng mga ibinibenta nilang bote.
Nagsasagawa rin sila ng leak test sa kanilang quality check, kung saan nilalagyan nila ng tubig ang mga bote at tinakpan, saka babaligtarin para makita kung may tatagas.
Para tugunan ang logistics ng paghahatid ng mga bote sa customers, bubble wrap ang kanilang gamit bilang proteksiyon sa mga bote. Nag-aalok din sila ng free delivery sa customers na may bulk orders.
“Kung may mga faulty products sa amin, may mga problems silang nakikita sa packaging namin, i-address talaga namin. So we refund it or we replace it and then we improve on it with our production in the future,” ani Izen.
Bumibili sa kanila ng mga babasaging bote ang food and beverages packaging, cosmetics at pharmaceuticals.
“So we get to meet more clients, more requirements and we really pushed our limits to try to acquire the specific products na kailangan ng mga existing clients namin. And at the same time, finding more clients who have those requirements as well. So ayun, lumawak na 'yung mga inventories namin, 'yung client bases naming,” kuwento pa ni Izen.
Humigit kumulang 100 iba't ibang klase ng glass jars at bottles na ang available sa kanilang negosyo, na may presyo P8 hanggang P65 kada piraso. Puwede itong bilhin nang tingi, wholesale o maramihan na order.
“Meron din tayong mga studies na nagsasabi na mas safe din ang glass for food products, especially dahil sa, mas okay siya to contain bacterial growth. Kasi pag glass 'yung gamit natin, we have the options to further sterilize our products through canning processes, 'yung paiinitin siya, magbo-boil siya, so nasa sterilize siya,” sabi ni Izen.
Dahil sa higpit ng kompetisyon sa packaging industry, tiniyak nilang angat sila sa iba.
“So we really push for customization. Aside from iba 'yung klase ng bottle mo, puwede nandu’n na 'yung logo mo, naka-emboss, na mahirap siyang gayahin. For example, may product ka na high value, tapos maraming nangongopya, lalagay lang nila 'yung sticker ng product mo,” anang entrepreneur.
“‘Pag meron ka ng glass na nandun na naka-emboss 'yung logo mo, mahirap siyang gayahin. And also, it adds value to your product,” dagdag ni Izen.
Nakabuo na rin ng matibay na samahan sina Zen sa kanilang mga suki.
Sa peak season ng mga glass packaging o mga food packaging kumikita ang kanilang negosyo ng six hanggang seven digits.
Nakabili na rin sila ng dalawang truck para sa kanilang free delivery service. Plano pa nilang magdagdag ng ibang packaging products na makapag-cater ng mas maraming negosyo.
Tinitingnan nila sa hinaharap na magnegosyo na rin sa stand-up pouches, vacuum seal packaging at replacement for bubble wrap na mas matibay. – FRJ GMA News
