Matamis na mangga ang pangunahing prutas na pumapasok sa isip ng mga tao kapag nabanggit ang lalawigan ng Guimaras. Pero ngayon, may panibagong prutas silang maipagmamalaki na maliban sa matamis din, masustansiya pa—ang dragon fruit.

Sa nakaraang episode ng Pinas Sarap, itinampok ang NJST Fruit Farm ni Bonnie Tespoer, na may 3,700 puno ng dragon fruit at isa umano sa may pinakamatamis na dragon fruit sa bansa.

Kada taon, nakakapag-ani sila ng 12 tonelada ng dragon fruit.

Maganda umano itong itanim dahil bukod sa madaling patubuin, itinuturing “high value” crop ang dragon fruit.

Sa pagkuha ng bunga nito, iwasang butasin ang katawan ng puno, at hiwain lamang ang pinakadulo.

Lingid din sa kaalaman ng iba, isang uri ng cactus ang dragon fruit, o maraming tinik, kaya kailangang maging maingat sa pagkuha ng bunga.

Paliwanag ni Bonnie, mas mainam na itanim ang mga dragon fruit sa mabubundok na lugar, partikular ang pagdausdos na lupa.

“Kasi iyon ang pinaka-ideal to grow dragon fruit. Sobrang kailangan hilling. Kasi kung flat, nagiging waterlogged siya. Babad sa tubig. ‘Pag nagbabad sa tubig, hindi na siya matamis,” paliwanag niya.

“Kailangan may taste lang siya ng tubig to induce flowering first. Tapos kung may naging bunga na siya para maging matamis, hindi siya babad sa tubig,” dagdag niya.

Kahit matamis ang dragonfruit, hindi naman mataas ang sugar content nito. Katunayan, nakatutulong pa ang naturang prutas sa pag-regulate ng blood sugar level.

Mayaman din ang dragon fruit sa antioxidants at fiber. Ang puno, kaya magtagal ng aabot sa 30 taon.

Sa farm ni Bonnie, maaari ring matikman ang mga fresh juice tulad ng Guimaras Four Seasons, at iba't ibang kakanin gaya ng Dragon Fruit Palitaw at Dragon Fruit Biko.

Tunghayan sa video ng Pinas Sarap ang ginawang pagpitas ni Kara sa mga dragon fruit at sinabayan ng pagtikim. Panoorin. –FRJ GMA News