Itinuturing “King of the Philippine Pesos” ang 1906 Philippine peso coin, dahil gawa ito sa 90% na pilak at may taglay pang mga kakaibang katangian. Paano nga ba malalaman kung peke o tunay ang ganitong uri ng barya na umaabot na sa milyong piso ang halaga? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinakita ang 1906 Philippine peso coin na hawak ni Jhon Joseph Sevillano, na isa sa tinatayang 250 piraso ng naturang uri ng barya na pinaniniwalaang natitira na lamang ngayon.
“May tumawag sa father ko na magbebenta daw sila ang 1906-S at nagkasundo naman kami sa presyo ng gusto nila. Pero nu’ng mga time na before pandemic, mababa pa 'yung kuha niya sa 1906. Naglalaro lang sa P100,000 'yung presyo niya. Pero ngayon dahil bihira na 'yung lumabas 'yung 1906-S, umaabot na ng half million to one million 'yung presyo niya,” sabi ni Joseph.
Nilinaw niyang hindi for sale ang hawak niyang 1906 P1 coin.
“Sa ngayon kasi mas gusto ko muna siyang i-keep eh. Patagalin muna or ipag-grade ko 'yung 1906-S ko para mas tumaas 'yung value niya.”
Sa larangan ng numismatics o pag-aaral ng kalidad, halaga at kasaysayan ng baryang pera, salapi, medalya at iba pang kaugnay na bagay, isinasaalang-alang sa pagpresyo ng bagay ang mismong kondisyon o hitsura ng barya, bukod sa taon ng pagkakagawa, pagiging pambihira at maging ang kuwento sa likod nito.
Dito pumapasok ang Professional Coin Grading Service (PCGS) at Numismatic Guarantee Company (NGC) mga kapwa International Coin Grading Service, na nag-o-authenticate o nagpapatunay at nagbibigay ng grade sa mga perang barya.
“Mataas ang value nito dahil sa rarity, historical significance at kakaunti nang surviving examples na ang supply ay hindi na madadagdagan,” sabi ni Lovely Manjares, PCGS/NGC authorized dealer.
Payo ni Manajres sa mga may hawak ng tunay at graded na 1906 P1 coin, “Ang pinaka-best way para mas safe keep ang mga barya is huwag natin itong linisin or ilagay natin sa maayos na lagayan para properly protected siya.”
Batay sa mga tala, 200,001 pieces lang ng 1906-S San Francisco U.S.-Philippine One Peso ang ginawa. Sa pagtaas ng presyo ng pilak sa panahong iyon, ipinag-utos na bawiin at tunawin ang mga barya na ipinagawa noon.
“‘Yung mga 1906 na tinunaw, ginawang 1907. Kaya nga, very common, from 1907, 1908, 1909, 10, 11, 12, mas maliit na 'yung piso noon kaysa sa 1903 hanggang 1906. Siyempre may mga hindi natunaw. Kasi na-release na sa market, o na-release na sa mga tao. At yon 'yung mga natitirang 1906 ngayon,” sabi ng numismatist na si Angelo Bernardo.
May eksaktong bigat ito na 26.95 grams at may lapad na 28 millimeters. Sa harapang bahagi ng barya, makikita ang isang babaeng nakasuot ng bistida at may hawak na martilyo na nakapatong sa isang landasan.
Nakaukit din sa mukha ng barya ang Bulkang Mayon at may nakasulat na “1 peso” at “Filipinas.”
Sa kabilang bahagi ng barya makikita ang imahe ng agila, sagisag ng Estados Unidos at taong 1906.
“Usually, ang silver ay either puti yan or nagi-grey ng konti or itim. Pero pag nagditilaw, ayan, medyo red flag na yan,” sabi ni Bernardo.
Dahil mahal ang presyo ng 1906 Philippine peso coin, sinabi ni Bernardo na may mga gumawa ng peke nito. Gayunman, may mga palatandaan naman na makikita kung tunay o hindi ang barya.
“Kahit ano namang coin na mahal, pine-fake talaga. Marami talaga ang fake niyan. Pag 'yung timbang niya ay nag-deep below 26 grams, malamang ito ay fake,” saad niya.
Isa pa si Ellen Desilos na may hawak din umano ng 1906 San Francisco US Philippine coin. Marami na umano siyang nakikitang online post na nagsasaad na aabot sa milyong piso ang halaga ng hawak niyang barya.
Kuwento niya, bigay ng kaniyang kaibigan ang naturang barya na kaniyang iniingat-ingatan. May mga nagtangka rin daw na bilhin ang kaniyang coin pero sa murang halaga lang.
May nagsasabi rin umano na peke ang hawak niyang 1906 San Francisco US Philippine coin pero nais pa rin namang bilhin.
Upang malaman kung totoo o hindi ang hawak na coin ni Ellen, sinamahan siyang ipasuri ang barya sa eksperto. Maging instant milyonarya kaya si Ellen? Panoorin ang buong report sa video. – FRJ GMA News
