Nakita sa isang menor de edad na estudyante ang isang kalibre .45 na baril na may mga bala na naipasok niya sa loob ng isang paaralan sa Catarman, Northern Samar.

Sa inilabas na pahayag ng Police Regional Office 8 (PRO 8) nitong Biyernes, sinabing nabisto ito matapos ipagbigay-alam ng isa pang estudyante sa isang guro ang dalang baril ng kaklase sa loob ng kanilang silid-aralan.

Kaagad namang ipinaalam ng guro sa mga kinauukulang opisyal ng paaralan ang insidente, at itinawag sa Catarman Municipal Police Station.

“Authorities recovered from the minor one .45 caliber pistol without a serial number, four magazines, and ten rounds of ammunition,” ayon sa PRO 8.

Sinabi umano ng menor de edad na pag-aari ng kaniyang ama ang baril.

Tinulungan ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk ang estudyante. Kalaunan, ini-refer siya sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa pagsusuri at nararapat na interbensiyon alinsunod sa mga umiiral na batas at proseso.

Kasunod ng insidente, nakipagpulong ang mga pulis sa mga opisyal ng paaralan upang talakayin at palakasin ang mga hakbang sa kaligtasan at seguridad para sa mga estudyante, guro at iba pang kawani ng paaralan.

“Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay isang responsibilidad na dapat nating pagtulungan,” sabi ni PRO 8 chief Police Brigadier General. Romano Cardiño.

“Patuloy nating paiigtingin ang pakikipagtulungan ng PRO 8 sa mga paaralan at iba pang katuwang upang mapanatili ang ligtas na learning environment sa buong Eastern Visayas,” dagdag ng opisyal.

Muli namang nagpaalala ang PRO 8 sa mga magulang at guardian na ingatan ang kanilang mga baril at tiyakin na hindi makukuha ng mga bata at mga taong hindi dapat humawak nito. – FRJ GMA News