Pinaglipasan man ng panahon, nagdadala pa rin ng yaman ang mga lumang P10 na barya na may nakalagay na taong 2007 at 2009. Ang mga barya kasing ito, maaaring umaabot daw ngayon ng hanggang P3,000 ang halaga? Alamin.

Sa nakaraang episode ng I Juander, itinampok ang kolektor na si Christopher Evangelista, na nangongolekta ng naturang uri ng P10 barya.

“Ito pong 2007 saka 2009 ay sobrang baba po ng mintage. Kumbaga, kailangan nito ng mga kolektor para mabuo ‘yung kanilang binubuong series. Kumbaga, 'pag nabuo nila ‘yan, ilalagay nila sa frame,” sabi ni Christopher, na isang dating security guard.

Ang mintage ang bilang o dami ng ginawang barya sa isang partikular na taon. Kaya kung mababa ang mintage, maaaring tumaas ang halaga nito dahil sa dami ng kolektor na naghahanap at maaaring libu-libong piso ang katumbas.

Binabantayan ngayon ni Christopher ang P10 barya sa taong 2007 at 2009 na kaniyang binibili sa halagang P1,000 hanggang P3,000, depende sa kalidad nito.

“Iba-iba po 'yung kondisyon ng barya. Meron pong sobrang gasgas na, meron namang halos parang hindi nagamit. Kaya iba-iba po ang pricing,” paliwanag ni Christopher.

Nag-umpisa siya sa hilig sa pangongolekta, pagbili at pagbebenta ng mga barya nang minsan may mahanap siyang 1 centavo coin na taong 1937 sa kanilang bahay.

Mayroon na rin ngayon si Christopher na sariling koleksyon ng lumang pera na mula sa BSP series coins na 1 peso na 1995 hanggang 2017. Mayroon din siyang Pilipino series banknotes na mga uncirculated.

Nakakuha rin siya ng mga kauna-unahang barya mula sa English series, Pilipino series, Ang Bagong Lipunan series, Flora and Fauna series, at Improved Flora and Fauna series.

Sa kaniya namang frame ng P10, mayroon siya na mula 2000 hanggang 2017, kasama rin ang NGC at commemorative na P10.

Halos anim na buwan niyang binuo ang kaniyang 10 peso coin series.

Hindi niya sinasadya ang hobby na ito, ngunit naging full-time na pinagkakakitaan na niya ito ngayon.

“Bale wala naman po akong background talaga. Parang disgrasya lang 'yung pagkakahilig ko dito. Nu’ng tumagal, kinarir ko na po. Talagang kasi sayang naman na 'yung mga natutunan ko. Na-enjoy ko na rin, nagba-vlog ako. 'Yung mga tinatawag kong coins hunter, 'pag nabilihan ko sila, at least nakakatulong naman po ‘yun,” sabi niya.

Nagpaalala naman ang BSP na bagama’t hindi ipinagbabawal ang pagbebenta at pagbili ng barya, na higit sa mismong halaga nito, hindi nila hinihikayat ang publiko sa ganitong transaksyon o gawain. – FRJ GMA News