Isang netizen ang dumulog sa programang "Sumbungan ng Bayan" kaugnay sa sahod umano ng kaniyang nobyang kasambahay na P3,000 lang  sa isang buwan at 12-oras kung magtrabaho.

Paliwanag ni Atty. Ansheline Mae Bacudio, ang sahod ng isang kasambahay ay depende kung saan lugar ito namamasukan.

Dahil hindi nabanggit ng netizen kung saan nagtatrabaho ang kaniyang nobya, sinabi ni Atty. Bacudio na nakasaad sa direktiba ng National Wages Productivity Commission ng Department of Labor and Employment, na hindi dapat bababa sa P5,000 bawat buwan ang minimum wage ng mga kasambahay na nasa Metro Manila.

Ang mga kasambahay na nasa labas ng Metro Manila, maglalaro umano ang sahod ng mula P2,000 hanggang P4,000 sa isang buwan.

Sa ilalim ng Kasambahay Law, tinutukoy na kasambahay ang mga nagtatrabaho upang tumulong sa mga gawain sa bahay at nakatira sa kaniyang amo. Kasama rito ang mga yaya, tagaluto, hardinero, tagalaba at iba pa.

Nakasaad din umano sa batas na dapat mayroong walong oras na pahinga ang kasambahay sa loob ng isang araw. Dapat na mayroon din siyang isang araw na dayoff sa isang linggo.

Gayunman, sinabi ni Atty. Bacudio na maaaring magkaroon ng kasunduan ang kasambahay at amo pagdating sa oras ng pahinga at dayoff.

Halimbawa umano nito ang pagkakaroon ng overtime pay ng kasambahay o hindi masunod ang walong oras na pahinga sa isang araw kapalit ng pagbabayad sa labis na oras ng itatrabaho ng kasambahay.

Maaari din na hindi muna gamitin ng kasambahay ang lingguhang isang araw na dayoff kung babayaran ito batay sa daily rate. Maaari din naman na iipunin niya ang dayoff at saka na lamang gagamitin depende sa magiging kasunduan nila ng kaniyang amo.

Kaya payo ni Atty. Bacudio sa netizen, makabubuting itanong niya sa nobyang kasambahay kung ano ang mga kasunduan nito sa amo pagdating sa sahod at oras na trabaho.

--FRJ, GMA News