Aminado si Floria Reyes na hindi siya naging masaya sa flat niyang dibdib kaya nagpaturok siya para lumaki ito. Sa loob ng 16 na taon, wala naman daw naging problema hanggang sa aksidenteng maumpog sa pinto ang kaniyang dibdib noong 2016.

Sa programang "Pinoy MD," inihayag ni Reyes ang kaniyang kasiyahan nang lumaki na ang kaniyang dibdib matapos siyang magpaturok at gumastos ng mahigit P100,000.

Pakiramdam ni Reyes, ang malaki niyang dibdib ang nagdala sa kaniyang pagkatao.

Pero pagkalipas ng 16 na taon, aksidenteng nabangga sa pinto noong 2016 ang kaniyang dibdib. Pagkaraan ng ilang araw, nagkaroon ng mga pasa ang kaniyang dibdib.

Hanggang sa kinalaunan, may lumabas na rin dito na mala-mantikang likido.

Kaya naman nagpasya siyang magpatingin na sa espesyalista.

Doon na nadiskubre na ang likidong lumalabas sa kaniyang dibdib ay ang silicone oil na itinurok sa kaniyang dibdib.

Ayon sa espesyalista, sadyang hindi inirerekomenda na gamitin sa breast augmentation ang silicone oil dahil sa may peligro itong dulot sa tao.

Kaya naman inalis na ang napakaraming silicone oil na itinurok kay Reyes.

Mabuti na lang at hindi nauwi sa breast cancer ang kaniyang sitwasyon.

Pero dahil sa dami ng oil na nakalagay sa dibdib ni Reyes, nawala na sa porma ang naturang bahagi ng kaniyang katawan.

Kaya naman sumailalim siya sa panibagong breast augmentation pero sa pamamagitan na ng mas ligtas na breast implant.

Alamin ang mga dapat tandaan kung magpapalaki ng dibdib at papaano pangalagaan ito. Panoorin ang video ng "Pinoy MD."

--FRJ, GMA News