Kinagigiliwan ng mga taga-Alabat, Quezon ang pagkain ng maasim-asim at maliliit na tila duhat na bunga na kung tawagin ay lipote. Bakit kaya ito maingat na pinipitas mula sa puno, at ano ang benepisyong puwede nitong ibigay sa kalusugan kapag tinikman.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing mas maliit ang lipote kaysa duhat, at maasim-asim ang lasa na binabalanse ng alat na mula sa inilalagay na asin.

Gayunman, hindi basta-basta sinusungkit ang mga bunga nito mula sa puno dahil nadudurog ito kapag bumagsak sa lupa. Kaya kailangan itong akyatin sa puno upang makuha, o kaya naman ay maglalagay ng pangsalo sa ibaba.

Umaabot ng 10 hanggang 15 talampakan ang taas ng mga puno ng lipote, at madali ring maputol ang mga sanga kaya kailangan ng ibayong ingat kapag inakyat.

Kilala rin ng mga taga-Ifugao ang lipote bilang “Aru,” samantalang “Baligang,” “Maligang” o “Amhi” ang tawag dito ng mga nasa kabikulan at katagalugan.

Paliwanag ng botanist na si Jayson Mansibang, may scientific name na Syzygium polycephaloides ang lipote, na “native” sa Pilipinas ngunit hindi endemic.

Maituturing itong “rare fruit” dahil hindi pa masyadong kilala ang paggamit at pagkonsumo nito.

Sina Christian Layosa at kaniyang mga kaibigan, nakakukuha ng 40 kilo ng lipote kada linggo na naibebenta nila ng P40 kada kilo.

Isa sa kanilang suki ang samahan ng mga kababaihan sa Alabat, na gumagawa ng “Lipote wine.” Pagka-ani, hinahayaan nila itong mag-ferment sa loob ng tatlong buwan.

Tuwing peak season ng Lipote, nakaka-proseso sila ng halos 337 kilos nito, na nagiging 100 gallon kada araw.

Mabibili ang Lipote wine kada bote sa halagang P250-450, depende sa laki.

Puwede umanong makipagsabayan ang "sipa" ng Lipote wine sa lambanog.

Ang tindera naman ng Lipote na si De-an Eclavea-Quezon, tinutuhog sa stick ang Lipote bago balutan ng asukal, na “Pinoy version” ng nauusong street foods sa bazaar ang "tanghulu."
Ibinibenta niya ito sa halagang P6 kada stick na may tatlong piraso.

Maaari ding gawing substitute sa blueberry ang Lipote, dahil maaari din itong gawing palaman sa tinapay.

Dahil mainit ang panahon, puwede ring magpalamig sa Lipote ice cream.

Ayon kay Aira Jane Gonzales, nutrition officer II ng National Nutrition Council, mayaman sa Vitamin C ang lipote. Batay sa pag-aaral, ang bawat 100 grams, naglalaman ito ng mahigit 18mg ng vitamin C, o katumbas umano ng 30% na inirerekomenda na vitamin C na dapat makuha ng isang female adult sa isang araw.

May taglay din na mineral ang lipote gaya ng calcium, Phosphorus, iron, at zinc.-- FRJ, GMA Integrated News