Dalawa katao ang nasawi, at tatlo pa ang sugatan sa naganap na dalawang pagsabog sa harapan ng isang mall sa Masbate City.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang unang pagsabog nitong Sabado na agad na ikinasawi isang tricycle.
Tatlong sugatan ang isinugod sa ospital pero pumanaw kalaunan ang isa pa.
Sa ikalawang pagsabog na naganap naman nitong Linggo sa labas din ng gusali, isang kawani ng mall ang nasugatan.
Naglilinis na ng naiwang kalat mula sa unang pagsabog ang empleyado ng mall nang mangyari ang ikalawang pagsabog.
Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng mall habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring mga pagsabog.
Kabilang sa tinitingnan na dahilan ng pagsabog ang pressurized biogas explosion na mula sa naipong gas sa ilalim ng lupa.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng mall sa nangyaring insidente.—FRJ GMA News
