Ipinakita ng isang anak ang walang kapantay na pagmamahal at malasakit para sa kaniyang inang may problema sa pag-iisip sa Southern Leyte. 

 

Dahil sa kalagayan ni nanay Nimfa (hindi niya tunay na pangalan), napilitan ang kaniyang mga kaanak na ikulong siya upang hindi makaalis at mawala.

Pinupuntahan ng kaniyang anak na si Ara ang ina upang pakainin, paliguan, at linisin ang higaan.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabing pumapasok si Ara sa kinaroroonan ng ina kapag kalmado na ito.

“Nilinisan ko nang maayos para ’di siya magkasakit. Kahit mahirap kami pero pinakita po ko sa kanya na mahal ko po siya,” saad ni Ara.

Umuuwi si Ara mula sa Kinderhilfe Philippines, isang orphanage sa Padre Burgos, Southern Leyte, kung saan siya lumaki dahil hindi siya kayang alagaan ng ina.

Aminado si Ara hindi niya maiwasan minsan na makaramdam ng inggit kapag may nakikitang buo ang pamilya na hindi niya raw naranasan.

Anim na taon na raw si Nimfa sa kaniyang "kulungan" na may kandado at hindi raw nakikilala ng ginang ang anak.

“Masakit po para sa akin dahil nagkaganyan na ang isip ni mama, hindi siya normal. At nagbakasakali po ako na sana po gumaling na po siya,” pahayag ng anak.

Nagsimula raw magbago ang ugali ni Nimfa nang lumuwas ito noon sa Maynila. 

Ayon kay Leticia, na-homesick, nalungkot at labis na nag-isip ang kapatid niyang si Nimfa.

Nang bumalik sa lalawigan, hindi na raw makausap si Nimfa.

Naipasok naman daw siya noon sa mental health facility at nabibigyan ng gamot pero natigil dahil sa kahirapan ng buhay.

Taong 2000 pa nang huling naipatingin sa duktor si Nimfa. Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Padre Burgos, muling maipasusuri si Nimfa sa duktor. May pag-asa pa kaya siyang bumalik sa normal?

Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News