Tumilapon ang isang babaeng naglalakad sa bangketa matapos siyang mahagip ng isang humaharurot na trak ng bumbero sa Pateros. Ang biktima, posibleng alisin ang kanang mata na napuruhan sa aksidente.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, makikita sa CCTV ng Brgy. Magtanggol na nasa bangketa na ang biktima at isa pang kasamang babae nang dumating ang pagewang-gewang umanong na fire truck ng Pateros-Bureau of Fire Protection (BFP).

Tumilapon ang biktima na kinilalang si Annie Tiar, 30-anyos, na kagagaling lang umano sa pagdiriwang ng Mother's Day.

Pagkabangga kay Tiar, dumiretso pa ang trak at sinalpok ang ang isang nakatigil na kotse. Kamuntik pa nitong mahagip ang isang nagmomotorsiklo.

Hindi agad huminto ang truck kaya nawala ito sa kuha ng CCTV. Pero pagdaan ng ilang minuto, makikita ang mga bumbero na tumatakbo na papunta sa mga biktima.

Ayon sa hepe ng Pateros BFP, pauwi na sa estasyon ang truck matapos mag-supply ng tubig sa isang isolation facility.

"Nakikita natin may human error talaga 'yung pangyayari. Pinapangako po namin na hindi po namin pababayaan... kung ano ang lalabas sa imbestigasyon, mananagot po 'yung mga dapat managot sa pangyayari," sabi ni Chief Inspector Karl Blando ng BFP Pateros.

Ayon naman sa kasama ni Tiar, malayo pa lang ay pagewang-gewang na ang trak.

"Walang wang-wang, wala lahat, clear ang daan. Nandoon na kami sa gilid, bakit pa kami nasagasaan?," saad niya.

Sinabi ng kinakasama ni Tiar na si Douglas Lazarra, nagpapagaling na ang biktima sa ospital pero sinabihan sila ng doktor na aalisin na lang ang napinsalang mata ng kabiyak.

Ipinangako naman ni Blando na tutugunan nila ang pangangailangang pinansiyal ng biktima, at sa pagpapagaling nito.

Nakakulong na sa Police Pateros Station ang driver ng fire truck na si Fire Officer 2 Ramon Lactao II, pero hindi siya nakuhanan ng dahil tulog na raw ito ayon sa pulisya.

Batay umano sa medical examination kay Lactao, negatibo siya sa alcohol test. --Jamil Santos/FRJ, GMA News