May mga nagmumungkahi na magpatupad ng "vaccine pass system" upang payagan ang mga naturukan ng COVID-19 vaccine sa indoor dining at makapasok sa iba pang establisyimento. Dapat na nga bang ipatupad ang ganitong polisiya?

Sa GMA News "Unang Hirit," inihayag ni Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque mayor na si Edwin Olivarez, ang pagtutol sa vaccine pass system sa ngayon dahil hindi umano ito patas dahil maliit na porsyento pa lamang ng mga tao ang nababakunahan laban sa COVID-19.

"Very unfair naman po 'yan kung bibigyan natin ng policy na yun lang makakapasok sa indoors, sa ating mga restaurant, at iba pang mga establishment ay yung mga nabigyan ng vaccination pass," saad niya.

"Sa amin sa MMC, parang hindi pa ho tama ang panahon ngayon po para i-implement 'yang policy na 'yan," dagdag ni Olivarez.

Ayon kay Olivarez, ngayon pa lamang nagsisimula ang vaccination program sa Pilipinas, na meron nang mga bakunang dumating pero hindi pa ito sapat.

Bukod dito, napakaliit na porsyento pa lamang umano ng senior citizens ang nabakunahan.

Matapos mabakunahan, bibigyan ang tao ng card o certification na natapos na ang kaniyang innocculation.

Gayunman, kailangan pa ring hintayin ang guidelines ng World Health Organization at Department of Health kung hanggang kailan magagamit ang card.

Nauna na ring inalmahan ng DOH ang mungkahi na magkaroon ng vaccine pass para sa medikal na dahilan.

Ayon kay Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang sapat na ebidensiya na magpapatunay na makapagbibigay ng immunity ang COVID-19 vaccines at mapigilan nito ang pagkahawa.

Iniulat ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na hanggang nitong Mayo 18, nasa 786,528 Pinoy ang fully vaccinated o naturukan ng dalawang dose ng bakuna.

Samantalang 3,299,470 doses naman ang naiturok, na sa nasabing bilang ay mahigit 2.5 milyon ang naibigay bilang first dose.

Kabilang sa mga naturukan ay 1,240,119 na health workers, 714,312 na senior citizens, 548,844 na persons with comorbidities, at 9,667 na essential workers.

Ang mga nabigyan na ng dalawang bakuna ay 453,266 na health workers, 110,290 na senior citizens, 222,780 na persons with comorbidities, at 192 na essential workers.--FRJ, GMA News