Sa pamamagitan ng kaniyang programang "Wowowin-Tutok To Win," nakalikom ang TV host na si Willie Revillame ng P8 milyon na ido-donate sa nasunog na Philippine General Hospital, na karaniwang puntahan ng mga naghihikahos na pasyente.

Sa episode nitong Miyerkules, ikinalungkot ni Kuya Wil ang nangyari kamakailan sa ospital na higit umanong mahirap ang sitwasyon ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Sa simula, inihayag ni Kuya Wil na P1 milyon ang magiging donasyon ng kaniyang produksiyon para makatulong sa PGH upang makabalik sa muli sa normal ang operasyon ng ospital.

Kasunod nito ay isa-isang tinawagan ng tv host ang tatlo niyang kaibigan na mga sponsor din sa programa at nangako ring tutulong at magbibigay ng tig-P1 milyon o kabuuang P3 milyon.

Pero sa halip na P4 milyon ang ido-donate sa PGH, sinabi ni Kuya Wil na kulang pa iyon kaya itinaas niya ang kaniyang kontribusyon sa P5 milyon, kaya tumaas sa kabuuang P8 milyon ang ipadadala nila sa pagamutan.

Muli ring pinasalamatan at nagbigay-pugay si Kuya Wil sa mga healthcare workers sa patuloy na pagsisilbi ngayong panahon ng pandemic. --FRJ, GMA News