Pinabulaanan ni "The Clash" alumnus Jong Madaliday ang maling impormasyon sa social media na pumanaw na siya, at hindi niya nais makatrabaho si Bea Alonzo.

"Pagbukas ko ng social media account ko, may nakikita akong mga pinapatay na ako, tumanggi ako about Bea Alonzo. Tawang-tawa ko. Gag* pinatay ako!," saad ni Jong sa isang Facebook live.

"Yo guys, I'm still alive! 'Di ko alam kung bakit pinatay niya ako agad. Hindi nga ako nagpaparamdam sa social media eh, minsan nga lang ako nag-a-upload, kahit picture, hindi nga ako nag-a-upload. Pagbukas ko ng social media, sinabi patay na raw ako. Ang lala," patuloy niya.

Tinutukoy ni Jong ang isang Facebook page na may caption na "JUST IN | Pumanaw na ang kilalang singer at actor na si Jong Madaliday."

Tinawanan lang ni Jong ang naturang fake news post tungkol sa kaniya.

"Hindi ko alam ang sasabihin ko. Haha!... Hindi naman ako na-badtrip, natatawa lang ako," anang Kapuso singer.

"Una sa lahat, sasabihin ko, buhay pa ko. Bakit niyo ako pinapatay? Yo, nanahimik ako. Gusto ko lang chill, gusto lang chill dito sa bahay kasi malapit na rin akong bumalik ng Manila. And yo, 'di ko alam kung ano 'yung ginawa kong masama," dagdag ni Jong.

"Sobrang tahimik ako sa social media, ni hindi nga ako nakakapag-upload ng vlog, basta wala na kong ginagawa. Gusto ko lang mag-relax," patuloy niya.

Paglilinaw ni Jong, "Ayun guys, gusto ko lang malaman n'yo na I'm still alive. Mag-ingat kayo parati, 'di ako alam ang sasabihin ko, speechless ako. I'm still alive, alright?"

Hiniling din niya sa kaniyang followers na i-report ang naturang FB page na nagkakalat ng maling balita tungkol sa kaniya. --FRJ, GMA News