Kinabibiliban ang isang aso na nakapulot ng isang nawawalang wallet, na dahilan para maibalik ito sa may-ari sa Goa, Camarines Sur.
Sa panayam ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia kay Ginalyn Malate-Calacala, na mapapanood din sa GMA News Feed, sinabi niya na sanay na siyang nagigising na may mga gamit o basura na nakakalat sa kanilang garahe dahil sadyang mahilig mangalkal at mag-uwi ng kung anu-anong mga bagay ang alaga niyang aso.
Pero noong isang araw, may napansing kakaiba si Ginalyn.
"Iniisip nga namin, sabi ko 'Bakit mayroon doong wallet?' Eh kako wala namang pumapasok ditong ibang tao. Nakita namin medyo may kagat 'yung wallet."
At nang buksan nila ang wallet na napulot ng aso, nakita nilang meron itong ATM card, ID at P1,700 na cash.
Dahil dito, hinanap nina Ginalyn sa internet ang may-ari ng wallet pero tila deactivated umano ang account nito, kaya dinala na lang nila ang wallet sa estasyon ng radyo.
"Kasi kawawa naman, may ID doon at saka may pera. Baka kako kailangang mamalengke nu'ng [may-ari] tapos nahulog 'yung wallet. Kawawa naman 'yung may-ari," sabi ni Ginalyn.
Sa parehong araw din naibalik sa may-ari ang wallet.
Pinuri naman ng netizens ang aso matapos itong i-post ng kaniyang amo sa social media.
"Salamat po sa positive comments niyo, feedback sa aso namin kahit wala siyang breed 'di ba. Sana po maging inspirasyon siya hindi lang sa mga kapwa natin tao na kapag may napulot tayo, isauli natin," sabi ni Ginalyn. --FRJ, GMA News