Sugatan ang isang 63-anyos na biyuda matapos siyang manlaban sa 24-anyos na kapitbahay na nagtangka umanong gumahasa sa kaniya sa Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing natutulog na mag-isa sa bahay ang biktimang hindi na binanggit ang pangalan, nang pasukin siya ng suspek na si Joselito Luciendo, sa Barangay Purisima sa bayan ng Manapla.

Ayon sa pulisya, nagising ang biktima nang maramdaman nito na may humawak sa kaniyang kamay at nanlaban sa suspek.

Nagtamo ng mga pasa sa mukha at sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan at malaking sugat sa noon ang biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na lasing ang suspek nang gawin ang krimen.

Tumakas ang suspek na pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News