Sa tulong ng mga netizen, nahandugan ng bisikleta ang batang naging viral matapos magpakita ng kabaitan sa isang siklista sa Mexico, Pampanga, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules.

Nag-viral ang batang si "Angel" nang ilibre pa niya ng inumin ang isang siklista kahit na sapat lang ang kanyang pera para sa sarili.

Hinihintay lang daw noon ng siklistang si Clark Lynden Canlas ang kanyang kasamahan nang makausap nito si Angel. Dito raw nabuo ang kanilang pagkakaibigan.

Marami ang naantig sa kabaitan ni Angel na mayroon palang mild autism.

Nagtulong-tulong ang mga netizen para mabigyan siya ng bike nang hindi na siya manghihiram. Bakas ang tuwa kay Angel nang makita at masubukan niya ang kanyang bisikleta.

Nagpasalamat naman si Clark sa purong kabaitan na ipinakita ni Angel. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News