Base sa datos ng International Diabetes Federation, mahigit 1,000,000 ng mga bata o adolescent sa buong mundo ang mayroong type 1 diabetes. Paano nga ba nagkakaroon ng diabetes ang mga bata at anu-ano ang mga sintomas nito?

Sa programang "Pinoy MD," tinutukan ang kaso ng tatlong-taong-gulang na si Neo Eliseo Olinga, na mayroong Type 1 diabetes sa murang edad.

Magpa-Pasko noong nakaraang taon nang biglang manghina si Neo. Inakala ni Jennifer Olinga, nanay ni Neo, na inaatake lamang ng hika ang bata.

"Ihi nang ihi, uhaw na uhaw. Tapos noong bumagsak 'yung katawan, sobrang payat po niya, kasi namamanas po 'yung paa ni Neo. Pag-check po nila ng blood sugar niya, mataas po, 500 plus. Doon na po sila nagsabi na kailangan siyang dalhin sa ICU," sabi ni Jennifer.

Na-comatose si Neo sa ospital ng ilang araw, bagay na inabahala ng kaniyang ina.

Pero makalipas nito, bumaba rin ang blood sugar niya at dito na nakumpirmang diabetic ang bata.

Sa isang taong may Type 1 Diabetes, hindi gumagawa ng insulin o kemikal na nagpapababa ng asukal sa katawan ang pancreas. At dahil walang insulin, maaaring sumobra ang blood sugar level na maaaring umabot sa diabetic coma, tulad ng nangyari kay Neo.

Kapag hindi inagapan, maaari itong ikamatay ng pasyente.

Ayon sa pediatric endocrinologist na si Dra. Hana Barbara Lo, hindi ito pangkaraniwan, at madalas ito unang nada-diagnose kapag apat hanggang anim na taong gulang na ang bata, ,hanggang sa puberty o pagdadalaga o pagbibinata.

Base naman sa datos ng Philippine Pediatric Society, nasa halos 3,000 kaso ng type 1 diabetes ang mayroon sa apat na milyong admissions mula 2006 hanggang Mayo 31, 2021.

Maliban sa pagpayat, pagkapagod, madalas na pag-ihi, sintomas din ng Type 1 diabetes ang pagkakaroon ng hiningang amoy prutas.

Nagbago ang pagtulog nina Jennifer at Neo, dahil kailangang striktong i-monitor ang bata. Kailangang kumain ni Neo kada dalawang oras.

Mino-monitor naman ang blood sugar ni Neo kada 10 minuto, dahil kung bababa ito, maaaring makaranas siya ng pagkahilo at maging iritable.

Apat na beses sa isang araw ang pagturok kay Neo para mabantayan ang kaniyang insulin, na hiwalay pa sa kaniyang insulin prick para mas accurate ang reading.

Umaabot ng halos P10,000 ang gamot ni Neo kada buwan.

"Para sa mga batang may type 1 diabates, or insulin deficiency, 'for life' na ang insulin injections nila," ani Dra. Lo.

Panoorin ang buong pagtalakay sa usapin ito sa video ng "Pinoy MD."

--FRJ, GMA News