Nagsalita si Paolo Contis tungkol sa mga espekulasyong naghiwalay na sila ni Yen Santos matapos na i-unfollow siya at alisin ang kanilang mga larawan sa Instagram.

“Isang magandang ‘No comment!,’" tugon ni Paolo nang tanungin sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Martes.

"As I always say, masyado na kayong may alam sa buhay ko. So I’d like to keep it personal,” dagdag pa ng aktor na nakapanayam sa premier night ng bago niyang pelikula na “Fuchsia Libre.” 

Paliwanag pa niya, “Dati fina-follow kita, dati fina-follow ko… In-unfollow ko rin kayong lahat. Ibig sabihin ba naghihiwalay tayong lahat?”

Bukod sa pagtanggal ni Yen sa mga larawan nila ni Paolo, wala na ring pina-follow na account si Yen sa IG.

Gayunman, naka-follow pa rin si Paolo sa IG account ni Yen at may mga litrato pa rin nilang dalawa sa kaniyang account.

Nauna nang inalis ni Yen ang kaniyang birthday greeting kay Paolo sa ika-40 kaarawan ng aktor noong Marso.

Enero noong nakaraang taon nang aminin ni Paolo na sila na ni Yen, matapos na maghiwalay sila ng dati niyang karelasyon na si LJ Reyes.

Pero nilinaw ng aktor na hindi si Yen ang dahilan ng paghihiwalay nila ni LJ.

Ikinasal naman sa New York, USA si LJ sa kaniyang non-showbiz boyfriend na si Philip Evangelista noong Oktubre 2023. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News