Sinabi ng babaeng sinita sa "no vaccine no ride" policy" na ipinagpaliban niya ang pagpapaturok ng COVID-19 vaccine dahil buntis siya at kinalaunan ay nagpasuso ng sanggol. Pero may masama bang epekto sa pagbubuntis at sa pagpapadede ang naturang bakuna? Alamin ang paliwanag ng health expert.

Sa DOH Kapihan nitong Huwebes, tiniyak ni Dr. Sybil Lizanne Bravo ng Philippine Infectious Disease Society in Obstetrics and Gynecology (PIDSOG), na walang masamang epekto sa buntis at sa mga nagpapadede ng sanggol ang COVID-19 vaccines.

“Currently, there are no evidences of any adverse, so ibig sabihin wala po masamang epekto na nakikita ang pagbabakuna sa ating mga buntis with the COVID vaccine,” pahayag ni Bravo.

Patuloy niya, "‘Yung mga risk of makunan o magkakaroon ba ng abnormalities si baby… ito ba ay mangyayari? The answer is very very, of course, very obvious, no.”

Ang madalas lang umanong side effects ng bakuna ay "mil" lang tulad ng pananakit sa parte ng braso na binakunahan, pamumula, pagkadama ng pagod, muscle pain, at may nilalagnat.

“Itong mga side effects na ito ay very, very mild at hindi nakakaapekto ng pregnancy,” paliwanag ni Bravo.

Ayon pa sa duktor, ang mga buntis na walang bakuna ay maaaring magkaroon ng serious infection, at posibleng magdudulot ng preterm labor.

“Nakita po natin marami po nag-preterm labor at nanganak po ang mga ating buntis nang hindi tama sa buwan at sila ay nagsilang ng mga maliliit na babies. Ito po ‘yung gusto natin ma-prevent with vaccination,” paliwanag niya.

Hinikayat ni Bravo ang mga buntis na magpaturok ng COVID-19 vaccines matapos ng 14th weeks. Aniya, limitado pa lang umano ang mga datos tungkol sa kaligtasan ng bakuna sa first trimester ng pagbubuntis.

“As of now, lumalabas po sa surveillance sa US, Canada, and Europe na wala naman po talaga masamang epekto ‘yung mga nabigyan po ng COVID vaccine noong sila ay 8 weeks, or 12 weeks, or less than 14 weeks,” ayon kay Bravo.

“Pero sa ngayon sabi nga po natin kailangan pa rin po natin ng maraming studies,” dagdag niya.

Hinikayat din ni Bravo ang mga nagpapadede ng sanggol na magpa-booster shots laban sa COVID-19.

Maliban sa Gamaleya Sputnik V, sinabi ni Bravo na inirerekomenda ang lahat ng brand ng bakuna kontra COVID-19.

“Sa Gamaleya for the first dose at saka second dose… magkaiba po yung strain sa adenovirus na ginamit,” anang eksperto. “So ngayon po due to lack of studies about the safety and efficacy, hindi pa po ito nirerecommend mismo ng Gamaleya company.”

“We’re just waiting… for them to come up with other studies proving the efficacy and safety of the Gamaleya type of COVID vaccine,” patuloy niya.

Hindi umano dapat itigil ang pagpapadede sa sanggol dahil maaaring maibigay ng ina ang antibodies sa anak.

“Marami pong studies ngayon… that prove that there was indeed a transfer of antibodies through the breast milk from the mother to the baby. Ito po ‘yung tinatawag na vaccine-induced antibodies,” sabi ni ni Bravo.

Mabisa umano ito para mapigilan ang COVID-19 infection.

“Kapag ang isang bata nakuha niya ang antibodies through breast milk sa kanyang nanay, malaking chance na hindi siya mahawaan ng [COVID-19] sa first three to six months of life niya po,” ayon pa kay Bravo.

Ayon naman kay Dr. Carmela Madrigal-Dy, presidente ng Philippine Society of Maternal and Fetal Medicine, maaari pa ring magpadede ng sanggol ang ina na nagpositibo sa COVID-19.

“Provided na siyempre gumamit sila ng precaution like mag-mask sila, ‘yung hand washing, ‘yung safety measures na sinasabi natin,” paalala niya.

Kung sakaling may pagkakataon na kailangang ilayo ang sanggol sa ina, sinabi ni Bravo na maaari namang magtabi ng breast milk para sa anak.

“‘Yung tandaan lang po natin, kahit ngayong panahon ng pandemya, ‘yung benefits nung breastfeeding far outweighs ‘yung risk,” sabi naman ni Dr. Maria Julieta Germar.

— FRJ, GMA News