Minalas na mahulog sa butas sa loob ng isang mall ang isang lalaking nagte-text habang naglalakad sa Turkey. Pero sa kabila ng nangyari, masuwerte pa rin siya. Alamin kung bakit.

Sa ulat ng GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV ang isang empleyado sa mall na abala sa paghuhulog ng mga package sa butas sa sahig.

Ang naturang butas ay konektado pala sa storage kung saan inilalagay at isinasalansan ang mga package na nakakahon at plastic.

Maya-maya pa, isang lalaking naglalakad at nagte-text ang dumating. Dire-diretso siyang nahulog sa butas.

Hindi siya kaagad napansin ng empleyado dahil nakatingala naman ito dahil sinisilip din ang mga paketeng inihuhulog mula naman sa itaas.

Mabuti na lang at sa mga kahon na nakasalansan paupong bumagsak ang lalaking nagte-text. Kaya naiwasan na tuluyan siyang mahulog sa sahig.

Ligtas ang lalaki at walang tinamong pinsala, ayon sa ulat.

--FRJ, GMA News