Isang drone na hindi panghimpapawid kundi pantubig ang naimbento ng apat na software engineering students na hindi lang kayang pumulot ng basura sa katubigan gaya ng dagat, kundi nag-iiwan pa ng lime powder para mabalanse ang PH level ng tubig.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "State of the Nation," sinabing ang "Ocdron" ay binuo ng mga estudyanteng sina Jean Michel Gomez, Allain Vincent Gaspar, Mel Ivan Magsino at Christian Gaspar bilang kanilang thesis.

"Ang napapansin po kasi namin 'yung mga clean up initiatives kumbaga, lagi siyang directed towards land. Hindi natin abot 'yung mga nasa water," sabi ni Gomez.

"Pagtibayin 'yung bolunterismo ng mga naglalayong palakasin 'yung reach ng manpower sa clean up initiatives po," sabi naman ni Allain Gaspar.

Kinokontrol ang water drone sa pamamagitan ng mobile app, na siyang expertise ng grupo.

Ayon naman kay Magsino, hindi lang pamumulot ng basura ang kayang gawin ng Ocdron kundi kaya rin nitong makuha ang PH level ng tubig para matukoy kung ito ay acidic o alkaline.

Bukod dito, kaya rin nitong mag-iwan ng lime powder extract para mabalanse ang PH level ng tubig.

Ginagamitan ng solar energy ang Ocdron para mapatakbo at tuloy-tuloy lang ang pangongolekta ng basura nito sa dagat, ayon kay Christian Gaspar.

Sinabi ng grupo na mas mura ang Ocdron at mas maraming kayang gawin kumpara sa ibang waste pickup drone.

Isa sa mga hamon ng grupo ang pagkalap ng mga materyales para buuin ang Ocdron dahil binigyan sila ng limitadong budget ng kanilang mga magulang. Ngunit nagsilbi naman itong paraan para maging cost-efficient ang proyekto.-- FRJ, GMA News