Naging usap-usapan sa social media kamakailan ang tungkol sa "cheating" o pagtataksil ng karelasyon dahil na rin sa mga break-up ng ilang celebrity. Bakit nga ba may "nangangaliwa" at ano ang senyales na nagtataksil na ang iyong sinisinta?

Sa programang "Unang Hirit," ipinaliwanag ng parenting and relationship consultant na si Aiza Caparas-Tabayoyong, na ang pagtataksil ay ang hindi pagiging tapat o "faithful" sa iyong partner lalo na kung mayroon kayong pangako o "commitment" sa isa't isa.

"Ang relationship kasi effort 'yan, kailangan meron kayong ginagawa to maintain it. Hindi puwede 'yung natural course na pababayaan niyo tapos wala kayong gagawing romantic, 'yung ginagawa niyo noong nagde-date pa lang kayo, matatapos na dahil kayo ay may commitment na o kasal na. Kailangan talaga may maintenance," sabi ni Tabayoyong.

Inihalintulad ni Tabayoyong ang "cheating" o pagtataksil sa isang usok, na senyales na mayroong apoy.

"Kapag may smoke, may fire. May pinanggagalingan 'yan, and usually those are unmet needs, 'yung mga pangangailangan na pisikal, atensyon, validation, respect, hindi na nakukuha sa partner, or affection," anang relationship consultant.

Bukod dito, maaari ring mababa ang pagtitimpi o "self-control" ng isang partner, o may predisposisyon dahil sa pattern ng kaniyang pamilya, kaya niya nagagawang magtaksil.

Isa pa sa mga dahilan ng pagtataksil ang pag-"fall out of love" o pagkawala ng atraksyon at affection sa mag-partner.

Ilan sa mga palatandaan na maaaring nagtataksil na ang iyong asawa o partner, ay kung matagal na kayong hindi nagtatalik, hindi nag-uusap, laging nag-aaway, pabago-bago ang kaniyang ugali, at nahuhuli mong nagsisinungaling.

"Halimbawa sa isang araw, usually alam mo 90% ng nangyayari. Ngayon biglang bumababa hanggang sa 10% na lang, hindi mo na alam kung sino ang kasama niya, ano ang ginawa niya, or may gaps doon sa araw na nangyari tapos hindi mo alam kung ano ang nangyari sa partner mo," sabi ni Tabayoyong.

"Titingnan mo na 'yon. Baka may mga bagay-bagay na nililihim na sa'yo," paalala niya.

Ayon kay Tabayoyong, marami namang isyu ng pagtataksil ang nalalagpasan ng mga mag-asawa, ngunit depende ito sa nagtaksil at pinagtaksilan.

Sa parte ng nagtaksil, posibleng paraan niya na lamang ito para kumawala na sa relasyon, o maaari pa itong maayos kung siya ay "willing" at remorseful" sa kaniyang ginawa.

Sa parte naman ng pinagtaksilan, depende rin sa kaniya kung siya ay magiging "confrontational" o mananahimik na lamang, o magiging mapagpatawad o magbabaon ng hinanakit sa relasyon.

"Mas madali kung meron sanang openness doon sa mag-partner, humility, forgiveness, tsaka kung may third party na tutulong sa kanila, professional kung mas kaya," ani Tabayoyong.

Pero maituturing bang pagtataksil kung mag-like sa post ang partner sa dati nitong karelasyon? Panoorin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA News