Patay ang isang trespasser umano sa runway ng Denver International Airport sa Amerika matapos siyang mahagip ng papalipad na eroplano. Ang 12 pasahero ng eroplano, sugatan.

Batay sa video ng Department of Aviation ng City and County of Denver, na iniulat sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang isang tao na naglalakad sa naturang paliparan.

Kalaunan, pumasok siya sa mismong runway at nahagip ng papalipad na eroplano.

Sinabi ng pamunuan ng airline na hindi empleyado ng airport ang nahagip na biktima.

Tumalon umano ang biktima sa perimeter fence ng paliparan kaya nakapasok.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng trespasser umano.

Matapos ang insidente, hindi natuloy sa biyahe ang eroplano nang magkasunog ang isang engine nito, at nasugatan ang 12 nitong pasahero.

Pansamantala ring isinara ang naturang runway. – Jamil Santos/FRJ GMA News