Nabalot ng kababalaghan ang masaya sanang bonding ng magkakaibigan nang bigla na lang magbukas-sara na mag-isa sa kanilang harapan ang drawer ng isang cabinet. Ang kinaroroonan ng cabinet, isang bahay-bakasyunan na pinaparentahan at kamamatay lang umano ng may-ari.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang aktuwal na video kung saan natatakot at nagkakagulo ang mga magkakaibigan habang pinagmamasdan nila ang ang drawer sa cabinet na nauna nang bumukas na mag-isa.
Isa sa mga lalaki ang tila hinamon ang pinaniniwalaan nilang nanggagambala sa cabinet na muling buksan ang drawer sa kanilang harapan.
“Sinong gumagawa na ito? Open it right now!,” sigaw ng lalaki.
Walang nangyari noong una sa naturang hamon kaya kumalma ang lahat. Pero hindi nila inakala, hindi lang basta nagbukas na mag-isa ang drawer kung hindi ilang ulit na nagbukas-sara sa kanilang harapan.
Kaya ang pamilya, magsisisigaw na sa loob ng bahay-bakasyunan na kanilang nirentahan sa Virginia, USA.
Ayon kay Rhys Royales, na uploader ng viral video, karaniwang nilang ginagawa ang pag-arkila ng bahay-bakasyunan para mag-bonding ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
“Nagbabakasyon kami mga once or twice a year. Kadalasan na nirirentahan namin mga cabin,” sabi ni Rhys.
Nangyari ang nakakikilabot nilang karanasan sa ikalawang gabi nila sa bahay.
“'Yung mga bata, doon na namin iniwan sa basement dahil nandu’n 'yung game room. Siguro mga alas 12, 12:30 ng gabi, pamakyat 'yung isang anak ng kaibigan namin. Sinabi sa kaniya na ‘Mommy, mommy, there’s a ghost downstairs,’” kuwento ni Rhys.
Ayon pa sa kaniya, may tila kakaiba na sa drawer.
“Paghahawak na paghahawak pa lang ni Ryan sa drawer, amy umaalog na. Nagsha-shake na siya,” sabi ni Rhys.
“Ang hindi nakita sa video ay 'yung nasa ibab ang mga cabinet, nagbukas din ‘yan. Noong nakita ko 'yun, speechless ako,” dagdag pa niya.
Pinabulaanan ni Rhys ang haka-haka ng ilan na may nakatagong tao na nagpapagalaw sa cabinet.
“'Yung likod ng cabinet ay kuwarto na. Sa may ilalim naman, kung bumukas 'yung cabinet pati 'yung drawers, nakita ko na walang tao sa ilalim. Ang mga nandu’n lang, mga kaldero,” sabi niya.
Hinala niya, nagpaparamdam ang may-ari nito na sumakabilang buhay na.
“May-ari ay dalawang mag-asawa, matatanda na. ‘Yung lalaki, kakapanaw lang. Two weeks before namin narentahan 'yung bahay, doon ginawa 'yung burol,” sabi ni Rhys.
Paglilinaw niya naman, naganap ang insidente noon pang 2016, at wala na rin siyang ideya kung naroon pa ang bahay.
Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng isang movie editor kung ine-edit nga ba ang makapanindig-balahibong video nina Rhys at ng kaniyang mga kaibigan.—FRJ GMA News
