Nahuli-cam ang isang eksena sa kalsada sa Iloilo City nang kaltukan ng isang lalaki sa helmet ng isang rider na nagtuloy-tuloy pa rin sa pagdaan sa pedestrian lane kahit may tumatawid.
Ipinakita sa ulat ng GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Lunes, ang nakuhanan na eksena sa ginawang pagkaltok ng lalaki sa helmet ng rider na muntik na makabangga sa kaniya sa pedestrian lane sa diversion road.
Makikita sa video na tumigil na ang ibang sasakyan para magbigay sa mga tumatawid sa pedestrian lane nang biglang sumulpot ang rider.
Tumigil ang rider matapos siyang kaltukan at tiningnan nang masama ang lalaking kumaltok sa kaniya.
Ayon kay Atty. Gaudioso Geduspan II, Director, Transportation Office (LTO), Regional 6, natukoy na nila kung sino ang rider na padadalhan ng Show Cause Order (SCO).
Reckless driving umano ang ginawa ng rider na dapat isailalim sa reorientation course.
Iginiit ni Geduspan na karapatan ang mga tao na tumawid sa pedestrian lane pero ang rider pa umano ang galit. – FRJ GMA News
