Inanunsyo na ang pagkakaroon ng “Pinoy Big Brother Collab 3.0” at magkakaroon ng auditions para sa mga ordinaryong Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang maging panibagong batch ng mga housemate sa Bahay ni Kuya.
Ito ang ibinalita ng mga host na sina Gabbi Garcia at Bianca Gonzalez, kasama si Kim Chiu, nitong Biyernes sa “It’s Showtime.”
Hindi tulad ng naunang dalawang Collab season na tampok ang mga celebrity housemate, bibigyan naman ng pagkakataon sa panibagong season ang mga ordinaryong Pilipino na makapasok sa iconic na bahay ni Kuya.
Bukas ang auditions para sa lahat ng Pilipino saan man sa mundo na edad 18 hanggang 35.
Kailangang mag-upload ng mga aplikante ng isang minutong video upang ipakilala ang kanilang sarili at ipaliwanag kung bakit karapat-dapat silang maging housemate sa “Pinoy Big Brother.”
Bukas ang audition period hanggang Agosto 31.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” noong Biyernes, ibinahagi ng mga host ng “PBB” na sina Gabbi at Bianca ang kanilang pananabik para sa paparating na season.
"First time kong makaka- experience ng regular season na ordinaryong Pilipino ang sasali. Excited ako sa mga twist, mga revelations. Iba kasi kapag regular housemates talagang no filter," sabi ni Gabbi.
Samantala, sinabi ni Bianca na isa sa mga inaabangan din ay ang bagong bahay ng “PBB.”
"Lahat tayo nag-goodbye na sa iconic house na mayroon tayo for 21 years. So we still don’t know kung anong hitsura, saan,” ani Bianca.
Nagbahagi rin ang mga dating “PBB housemate” na sina Will Ashley, Mika Salamanca, at Lella Ford ng ilang payo para sa mga gustong pumasok sa Bahay ni Kuya.
"Just be yourself. Huwag kang gumawa ng istorya na hindi totoo, huwag kang magsinungaling. Maging ikaw lang, ikuwento mo yung talambuhay mo, yung totoo para consistent ka," ani Will.
Sinabi rin ni Mika sa mga magiging housemate na i-enjoy ang loob ng bahay ni Kuya at huwag isipin ang nangyayari sa labas o “outside world.”
Idinagdag naman ni Lella na piliin na maging mabuti araw-araw sa loob ng bahay ni Kuya.
Sina Brent Manalo at Mika ang naging first-ever Big Winner duo sa unang “PBB Celebrity Collab Edition.” Samantala sa season 2, sina Caprice Cayetano at Lella Ford ang naging Big Winner. — Carby Basina/FRJ GMA News
