Ang Agosto ang itinuturing na “Ghost Month,” kung saan bagsak umano ang enerhiya o mas malakas ang “yin” energy, na maaaring makaapekto sa pag-iisip, emosyon, at pagdedesisyon ng mga tao. Ano nga ba ang mga dapat tandaan at iwasan sa panahon na ito? Alamin.

Sa kaniyang guesting sa GMA show na “Unang Hirit” nitong Biyernes, sinabi ng Feng shui consultant na si Johnson Chua, na tatakbo mula Agosto 13 hanggang Setyembre 10 ngayong taon ang Ghost Month.

“Kung tutuusin naman, hindi naman talaga super malas ‘pag sinabing Ghost Month. Kasi minsan kapag sinabi mong malas, lahat masisisi mo sa ghost eh. Pero kapag Ghost Month Festival, mababa talaga ‘yung energy.”

Iwasan magtagal sa labas nang gabi

Ipinayo ni Chua na kapag Ghost Month, bawas-bawasan ang maging mapag-isa, lalo kapag naglalakad sa daan sa gabi.

Iwasan din ang night swimming at iba pang mga aktibidad sa mga lugar na maaaring hindi ligtas.

Nagpaalala rin siya ng ibayong pag-iingat sa pagmamaneho, dahil sa low energy, maaaring mawala ang focus at concentration, at maging mas lapitin ng aksidente.

Mag-isip nang mabuti bago magdesisyon sa mga mahahalagang bagay

Iminungkahi rin ng feng shui consultant na ipagpaliban ang mga malalaking desisyon o aktibidad sa buhay kung maaari sa Ghost Month.

“Minsan ang kasabihan natin, ‘first impressions last.’ So ‘pag nagsimula ka kasi ng isang energy sa isang hindi masyadong maganda, baka ‘yun ‘yung tumagal,” sabi ni Chua.

Kabilang sa mga dapat iwasan ang mga kasal, pagsisimula ng bagong negosyo, o pagpapa-opera, maliban kung emergency.

“May kasabihan din na medyo malakas ‘yung negative energy. Mabagal ‘yung healing factor,” dagdag niya.

Mga Panalangin at Kawanggawa

Para sa mga nais ipagdiwang ang Ghost Month, inirerekomenda ni Chua ang mga dasal at handog bilang mga paraan ng pagpapakita ng paggalang sa mga espiritu at mga patay.

Itinuturing din ang Ghost Month na “charity month.”

“When you’re doing charity, you’re doing prayers, ang kapalit is blessings.”

Ilan sa mga handog na maaaring ialay ang mga pagkain at inumin gaya ng tubig, beer o wine. Ayon kay Chua, para na ring “good brothers” ang mga kaluluwa na magkakaroon ng blessing kapag napasaya sila.

Mga insenso at cleansing practices

Sinabi ni Chua na pinakamainam na mag-insenso sa Agosto 27, bilang pangunahing araw ng kapistahan.

Maaaring ilagay ang mga insenso sa sala o kainan, kasama ang mga handog na pagkain.

Maaaring maglagay ng bigas bilang respect energy, asin para sa cleansing, at ang incense powder sa isang ampao, at palagi itong dalhin sa Ghost Month. Maaari itong ibulsa, sa pitaka o bag, para hindi kapitan ng mga kaluluwa.

Sa huling araw, Setyembre 10, maaari nang ipagpag ang ampao sa katawan bago itapon.

Sundin ang 3-3-3-4, o pagpagpag nang tatlong beses sa magkabilang balikat, tatlo sa harap, at apat sa likod

Inilarawan ni Chua ang kasanayan bilang isang simbolikong paraan ng pag-iwan ng negatibong enerhiya mula sa buwan. – FRJ GMA News