Sa isang bodybuilding competition na ginanap kamakailan sa Alabang, Muntinlupa City, agaw-pansin ang isang kalahok na si Paolo Lipora dahil sa kaniyang taas na wala pang four feet. Ngunit maliit man sa paningin, malaki naman ang puso niya dahil ang pakikipagsapalaran niya sa Maynila ay para sa kaniyang pamilya sa Iloilo, na nais niyang matulungan.

Dahil sa pagiging bato-bato ng katawan ni Paolo sa kabila ng kaniyang sukat bunga ng kaniyang kondisyon na dwarfism, inakala ng ilang netizens na nakakita sa kaniyang larawan at video na likha siya ng AI o artificial intelligence.

Pero sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nahanap nila sa Muntinlupa, at nakumpirma na totoong tao at hindi A.I. si Paolo, 23-anyos, at limang araw kung mag-workout sa gym sa loob ng isang linggo.

Napag-alaman na mula sa Iloilo si Paolo, at panganay sa limang magkakapatid. Maagang na-detect ng mga doktor ang tungkol sa kaniyang kondisyon, ayon sa kaniyang inang si Evelyn.

Street sweeper ang kaniyang nanay Evelyn, habang construction worker naman ang kaniyang tatay na si Jose.

Ayon kay Paolo, 17-anyos siya nang magsimulang mahilig sa pagwo-workout. “Kasi dati po, may napapanood po ako sa mga anime. ‘Yung lalaki ang katawan, 'yung sa Dragon Balls po, si Trunks po.”

Pero dahil walang pambayad sa gym, improvised ang kaniyang ginagamit na dumbbell na plastic soft drinks bottle na nilalagyan niya ng semento.

Hindi rin siya nakaiwas sa mga pamumuna ng ilan dahil sa kaniyang kondisyon.

“Payatot po ako dati eh. Manipis tapos malaking tiyan po. Ayaw po ako ng iba kalaro. Bansot daw po. Mukhang pato maglakad. Siyempre po sa akin po, masakit po. Dahil du’n po, is na-motivate po ako mag-gym para mapakita ko sa kanila na 'yung nilalait nila noon, ito na ngayon po,” pahayag niya.

Ito rin ang naiisip na paraan ni Paolo para maiahon ang pamilya niya sa kahirapan.

Ang kanilang bahay ngayon, madalas bahain at nanganganib pang ma-demolish, bagay na ikinalungkot ni Paolo.

Dahil sa kaniyang kondisyon, hindi na rin nakapagtapos ng pag-aaral si Paolo.

“Wala man lang akong maiambag. Kahit man lang pambili ng bigas. Kasi wala ding tatanggap sa akin sa trabaho kasi maliit po ako,” malungkot niyang sabi.

Umaasa si Paolo na ma-monetize niya ang pagva-vlog ng kaniyang workout at bodybuilding videos.

Kalaunan, nakita ni Coach Jay Jay Ngitngit ang kaniyang content at hinikayat siya nitong sumali sa bodybuilding competitions, at isinama siya sa Maynila.

Isa sa pinaghahandaan ni Paolo ang bodybuilding competition ng Physical Culture Association (PCA) na nakatakda niyang salihan.

Inaalay ni Paolo ang lahat ng pagod, puyat at hirap para sa kaniyang pamilya.

“Sila yan lang 'yung lakas ko para maabot 'yung mga pangarap ko. Gusto ko po makabawi sa kanila,” sabi niya.

Tunghayan sa KMJS ang workout routine ni Paolo habang pinaghahandaan ang kompetisyon sa PCA, at ang emosyonal na muli nilang pagkikita ng kaniyang mga magulang sa Pavia, Iloilo, nang umuwi siya matapos ang may isang buwan. Panoorin. – FRJ GMA News