Ang isang dating construction worker na nagpapala noon ng buhangin at kinakapos pa sa pagkain, hindi na magugutom ngayon matapos siyang pagpalain nang pumatok ang negosyo niyang Chinese style chao fan sa Bulakan, Bulacan. Ang kaniyang kita, umaabot daw ng five kada araw.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si John Cea, na may blockbuster na pila ng chao fan na nagkakahalaga lang ng P40 ang ordinaryong order.
Ngunit bago pa maging wok at sandok ang kaniyang mga gamit sa paghalo ng kanin at rekado sa kaniyang negosyo, isa noong construction worker si John, na pala ang hawak, at semento na buhangin at graba ang hinahalo.
“Nag-start ako mag-arawan, P150-P200 lang,” sabi ni John, na idinagdag na kulang na kulang ito sa pangangailangan ng tatlo niyang mga anak.
Kalaunan, na-engganyo si John na magnegosyo.
“Ang lola ko kasi, mahilig siyang mag-sangag. Tapos 'yung timpla niya, 'yung timplang nagustuhan ko talaga,” kuwento niya.
Patok ngayon ang negosyo ni John, na nakauubos ng bigas na umaabot ng tatlong sako kada araw.
Sa pagsisikap ni John, hindi na pabarya-barya ang kaniyang kita.
“Sa isang araw po, kumikita kami ng mga 5-digits. Parang hindi nagsi-sink in sa utak ko ngayon 'yung nangyayari sa akin. Minsan nga napagkakamalan pa nila akong tauhan dito. Parang hindi ko ma-feel na ako 'yung may-ari, talaga,” sabi niya.
Mayroon nang bagong branch ang kaniyang kainan, nakapagpagawa na rin si John ng bahay, at nakapagpundar ng sasakyan.
“Dati, kailangan kong mamulot ng pagkain sa kalye para mabusog. Lagi kasi akong palaboy dati. Hindi pa rin ako makapaniwala na naabot ko ito. Hindi na ako magugutom,” emosyonal niyang sabi.
Ang chao fan ng mga Tsino ang mistulang sinangag ng mga Pilipino, na nauso para hindi masayang ang mga tirang kanin.
May isa pang klase ng fried rice ang mga Tsino na Yang Chow, na hitik sa sahog na sinasamahan ng itlog, baboy, hipon, at mga gulay.
“Ang Yang Chow ay isang klase ng chao fan na nagmula sa Yangzhou City sa China. Ang chao fan kasi is a broad term, so it refers to all kinds of fried rice. Nagsimula siya way back before when the Chinese merchants used to do trade here in the Philippines,” sabi ng chef na si Michaella Ang.
“And after that, some of the merchants, they married na here and they integrated their Chinese dishes into the country” dagdag niya. – FRJ GMA News
