Itinatago noon ni Angelica ang kaliwang bahagi ng kaniyang mukha kapag nagpo-post ng larawan sa kaniyang Facebook. Pero nang makatapos na siya ng kolehiyo, nagdesisyon siyang isiwalat na ang kaniyang lihim upang humingi na rin ng tulong at nang malunasan ang kondisyon sa kaniyang pisngi na tila nalulusaw na kandila.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ikinuwento ni Angelica mula sa Davao na bata pa lang siya nang mapansin niya ang mga butlig sa kaliwa niyang pisngi na unti-unti lumaki at lumaylay nang nagdadalaga na siya.
Ngayon, nasa kalahating kilo na umano ang bigat ng balat na nakalaylay sa kaniyang pisngi at nahahatak na rin nito ang isa niyang mata na nakadadagdag ng hirap sa kaniyang kalagayan.
Bukod sa hirap sa pagtulog, dagdag pasakit din umano ang mga pambu-bully at panunukso na inaabot ni Angelica dahil sa kaniyang hitsura kaya hindi siya masyadong lumalabas ng bahay.
Pero sa kabila ng lahat, nagsikap pa rin si Angelica sa pag-aaral hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo sa kursong BS Business and Human Resource Management. At dito na rin siya nagpasya na ipakita na sa social media ang tunay niyang hitsura para makahanap ng tutulong sa upang kinakaharap na problema.
Nang maipasuri siya sa dalubhasa, napag-alaman na arteriovenous malformation o ang abnormal na pagbuo ng blood vessel ang problema sa mukha ni Angelica.
Taliwas ito sa akala ng kaniyang ina na dulot ito ng kaniyang paglilihi noon sa atay nang ipinagbubuntis niya si Angelica.
Ngunit hindi magiging madali ang pagdadaanan ni Angelica para maisaayos ang kaniyang mukha dahil tatlong operasyon ang dapat niyang pagdaanan. May mga bukol din na tumubo sa kaniyang katawan at binti.
Sa kabila ng kaniyang pinagdadaanan, katulad pa rin ng ilang kabataang dalaga si Angelica na may hinahangaang mga artista. At si Angelica, idol ang Pambasang Bae na si Alden Richards, na sorpresang nakaharap niya nang lumuwas siya sa Maynila.
Panoorin ang buong kuwento tungkol kay Angelica sa video ng ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Click here for more GMA Public Affairs video:
--FRJ, GMA news
